Privileged Speech Delivered by Baguio City Councilor Edison Bilog
ANG AKING PANINIDIGAN SA
PANUKALANG “ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT”
"Ito pong mga nakaraang araw
magmula po ng aking ilahad ang pagtutol ko sa “ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT”, ako
po ay nabagabag dahil madami po ang nagtatanong at napaulat sa periodiko kung
bakit ko po ginawa yon. Bagama’t madami po ang nagpahiwatig ng kanilang
pagsuporta sa aking ginawa, mayroon din ilan na pumuna sa aking nagging aksyon.
Sa katunayan ang iba, kasama na ang ilan nating kasapi sa mamahayag o sa wikang
ingles ay ang “PRESS PEOPLE”, ang nagsabi na ako raw po ay hayagang
namumulitika.
Ngayon po ay nais kong sabihin
sa pamamagitan ng ating sesyon, na ang aking ginawa ay hindi po dahil sa aking
pangpulitikang interes kung hindi ito ay bunga ng aking pagmamahal sa ating
lungsod, ang ating lupang sinilangan at kaagapay po nito ay ang aking
paniniwala na ang ating mga pampublikong lugar tulad ng athletic bowl ay
nararapat lamang para sa mga taga Baguio, para sa mga Pilipino at hindi para sa
interes ng mga ibang Koreano.
Akin pong nais ipabatid na mula
pa po nuong taong 2009, ako po ay tutol na sa pagsasapribado ng Athletic Bowl.
Dahil tulad po ng pagsasapribado ng Baguio General Hospital, ako rin po ay
naniniwala na itong hakbanging ito ng ating gobyerno ay hindi po para sa
kapakanan ng mga mahihirap nating mga kababayan kung hindi para sa kapakinabangan
ng iilan lamang.
Ngunit ano nga po ba ang
nagbungsod sa akin upang tutulan itong “ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT”? Hayaan nyo
po akong ilahad isa-isa ang mga rason kung bakit po ako tutol sa “Athletic Bowl
Development”.
Una sa lahat, madami pong
nakasaad sa probisyon ng TERM OF REFERENCE na talaga pong nakakapagduda. Kung
atin pong hihimayin ang nabanggit na TERM OF REFERENCE lalong lalo na po ang
nakasaad sa a.2 at a.3 ng ika-apat na pahina ay talagang nagdudulot ito ng
pagaalala kung ano talaga ang nilalayon o mithiin ng “ATHLETIC BOWL
DEVELOPMENT”.
SInasabi po ng ilan na ang
track oval ay ibibigay sa ating gobyerno. Ang ating lungsod ang mamamahala at
magpapatakbo ng nabanggit na sports facility. Karagdagan pa diumano dito ay ang
lahat ng kikitain sa sports facility na ito ay mapupunta sa ating siyudad. Ito
po ay kanilang binase sa probisyon ng B. STAGE 2 1.a.2. Nakasaad po dito ang
mga sumusunod:
“B. STAGE 2
1. Advertisement/Solicitation
of Bids
a.2 The athletic oval, upon
completion of the project, shall be immediately turned over to the City
Government of Baguio and to be managed and operated by the same. All income
shall accrue to the City’”
Subalit sa, B. STAGE 2.1.a.3 ay
ang sinasabi naman po ay:
“a.3 In order to recover the
expenses for the development of the athletic bowl showing the boundaries
herewith, all other facilities (i.e. swimming pool, athletic oval, tennis
courts,pay parking and other support facilities) will be managed and operated
by the developer/contractor.”
Hindi po ba klaro na dito
isinasaad na ang lahat ng pasilidad o facilities, kabilang na ang track oval ay
ibibigay sa pamamahala ng Developer at ito ay patatakbuhin at pamamahalaan ng
naturang Developer upang mabawi ang kanilang mga nagastos sa pagpapaganda ng
athletic bowl. Malinaw sa probisyon na ito na ang Developer ay maaaring
magpataw ng kaukulang halaga sa paggamit ng pasilidad sa athletic bowl.
Kawawang Juan dela Cruz, kung
dati rati ay libre o walang bayad gumamit ng pasilidad sa athletic bowl, ngayon
ay pagbabayarin natin.
Dagdag pa nito, sa B. STAGE
2.1.a.4 ang athletic bowl ay ipapaupa sa Developer ng 25 taon at maari pang
palawigin ng 25 taon uli.
Ito po ay salungat sa desisyon
ng Mataas na Hukuman sa kaso ng Amado J. Lansang vs. Court of Appeal, G.R NO.
102667, February 23, 2000. Sa nabanggit na desisyon, sinasabi na “RIZAL PARK is
beyond the commerce of man and thus; could not be the subject of a lease
contract.”
Maliwag po dito na ang isang
PARKE ay hindi pwedeng ipaupa kaninuman. Ang ATHLETIC BOWL ay parte po ng
BURNHAM PARK kaya po ito ay hindi pwedeng ipaupa ng ating gobyerno.
Dagdag pong muli nito,
limampung taon na uupahan ng Developer ang nasabing lugar, hindi po kaya na sa
paglipas ng 50 taon ay lumang luma na ang anumang itatayo ng Developer? Hindi
kaya na sa paglipas ng 50 taon ay hindi na din natin mapapakinabangan ang mga
ipinasakatuparang “development” dahil ang mga ito ay nalipasan na ng panahon at
hindi na natin magagamit?
Hindi ba sa mga ganitong
pangyayari ang Developer lamang ang makikinabang dito?
Pangalawa, sa lahat po ng
nagsusulong ng “ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT”, kanila po kayang kinonsidera ang
probisyon ng EXECUTIVE ORDER NO. 695, January 10, 2008 ni Pangulong Arroyo na
may pamagat na “DEVOLVING FULLY BURNHAM PARK TO THE CITY GOVERNMENT OF BAGUIO”?
Sa naturang Executive Order,
lalo na sa SECTION 4, ay maliwanag na sinasaad na “The City Government of
Baguio shall not encumber, mortgage or alienate any portion of the Burnham Park
unless approved by the Secretary of Tourism”.
Ang tanong ko po sa mga
nagsusulong ng ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT, nasaan po ang approval ng Secretary
of Tourism upang ito ay ating ipaupa sa ibang tao o Korporasyon. Masyado po
yata nating minamadali ang development kaya hindi natin tinutupad ang mga
nakasaad sa ating batas at Executive Order.
Pangatlo, ang ating Local
Government Code o RA 7160 ay nagsasaad na:
Sec.27. PRIOR CONSULTATIONS
REQUIRED.- No project or program shall be implemented by government authorities
unless the consultations mentioned in Section 2 )c) and 26 hereof are complied
with, and prior approval of the sanggunian concerned is obtained: Provided,
That occupants in areas where such projects are to be implemented shall not be
evicted unless appropriate relocation sites have been provided, in accordance
with the provisions of the Constitution.”
Ang akin pong tanong, bakit po
wala ang konsultasyon na hinihingi ng ating batas? Ang sabi po nila ay ang konsultasyon
ay gaganapin kapag ang TOR ay naaprobahan na. Para po sa ganang akin, ito po ay
hindi tama. Hindi po ba mas maganda na unahin muna po natin ang konsultasyon
bago ang TOR? Dahil kung ayaw po ng tao, bakit pa po natin aaprobahan ang TOR?
At kung uunahin naman natin ang TOR bago ang isang konsultasyon, hindi ba
sayang lamang ang ating oras, panahon at pera kung saka-sakaling ito ay hindi
papayagan n gating mga kababayan.
Mas nararapat lang siguro na
atin munang konsultahin ang ating mga kababayan bago natin pag-usapan ang TOR.
Pang-apat, tulad po ng aking
nabanggit na Parks are beyond the commerce of man, sa kaso po ng City of
Angeles vs. Court of Appeals, G.R. NO. 97882, August 28, 1996, pinaguutos po ng
Mataas na Hukuman sa Lungsod ng Angeles na tanggalin ang isang Drug
Rehabilitation Center upang gamitin ito bilang isang parke.
Bakit kailangan po nating
tugunan ang usaping privatization at commercialization ng athletic bowl gayung
ang ating hukuman na ang nagsasabing hindi ito pwedeng mangyari. Kung ang isang
Drug Rehabilitation Center ay hindi na pinayagan ng ating Korte Suprema na
mapatayo sa parke, e di mas lalo kung hotel, retail center, pay parking area
ang itatayo sa ating parke?
Pang-lima, ako po ay naniniwala
at naninindigan na ang ATHLETIC BOWL DEVELOPMENT ay isa na pong “DONE DEAL”.
Akin pong nabasa sa isang local
na pahayagan na Sun-Star Baguio na diumano’y ang bumalangkas sa TOR ay isang
TECHNICAL COMMITTEE.
Apat po ng miyembro ng nasabing
COMMITTEE ang nakapagsabi na sila po ay walang partisipasyon sa pagbalangkas ng
nasabing TOR.
Sa katunayan ang tatlo ay isa
sa kanilang sinasabi na ang kanilang partisipasyon ay ang pag-aaral lamang sa
aspetong teknikal sa isang plano na sa kanila ay binigay.
Nang aking tanungin kung ano
itong planong ito, iisa lamang ang kanilang tugon…ITO DAW AY ANG PLANONG
binigay ng mga Koreano.
Ang akin pong pinagtatakahan ay
kung bakit iisa lamang ang planong ibinigay para kanilang pag-aralan
samantalang mayroon pang 3 kumpanya ang nagpahiwatig ng kanilang interes upang
idevelop ang athletic bowl.
Ang sabi pa ng isang miyembro
ng nasabing COMMITTEE ay ang Filipino-Korean Company ang diumano’y parehong
Developer ng athletic bowl noong 2009 na inaprobahan din ng ating konseho.
Dagdag pa nito ang TOR na sa
aking palagay ay base po sa planong ibinigay ng Korean Company.
Base po sa plano, sa harapan po
ilalagay ang pang accommodation, na noong May 20, 2012 issue ng Sun-Star
Baguio, ay inaming ito po ay HOTEL.
Sa Ground Floor, Basement 1F,
Basement 2F, dito po nakalagay ang Retail Outlets o shopping centers.
Sa Basement 3F at 4F, dito
naman po ilalagay ang Pay Parking Area.
Sa likod naman ng gusali para
sa mga ito ay ang track oval, stadium stand, bleachers, swimming pool at ilan
pang sports facilities.
Sa naturang plano, makikita po
sa Ground Matchline A, na ang daan patungong track oval at sports facilities,
ay kinakailangang dumaan ka muna sa arcade ng hotel bago mo magamit ang mga
ito. Para bang lumalabas na ang mga nabanggit na sports facilities ay pasilidad
na ng hotel.
Atin pong makikita na itong mga
sports facilities na ito ay yaon ding binabanggit sa TOR. Kasama na din po ang
mga retail outlet at accommodations. Halos lahat po ng nang nasa plano ay
nandoon din po sa TOR.
Bago ko nga po pala
makalimutan, ito po palang planong ito ay palihim na inabot sa akin. Ang kawani
na nagbigay po nito ay nangangamba na kung malaman na siya ang nagbigay nito sa
akin ay maari daw po siyang pag-initan. Kaya sa kadahilanang ito ay hayaan na
lamang po nating ilagay sa lihim ang pagkatao ng taong nagabot sa akin nitong
plano.
Isa pa po na aking
pinagtatakhan ay kung bakit pinag-aaralan na po ang plano ng isang Developer
gayong wala namang bidding na nagaganap. Sa akin pong paniniwala, ang balakin
po ng isang developer ay pag-aaralan lamang kung ito ay may bidding nang
nangyari.
Diyata’t merong “special
treatment” sa isang Developer. Kung ito ay ating pag-aaralan, ating mapupuna na
kahit wala pang bidding na nangyayari ay mayroon ng pinagaaralang plano ng
isang Developer at kaagapay pa nito ay ang aspetong yung dalawa o tatlong
developer na nagpahayag nang kanilang interes sa pagdedevelop ng athletic bowl
ay hindi pinag-aralan.
Pang-anim at huling rason kung
bakit tayo ay sumasalungat sa planong development ay dahil sa binabalak nilang
“pagsira” sa athletic bowl.
Base sa plano, kanilang
huhukayin ang athletic bowl upang mailagak ang 4 na palapag na basement. Base
po kasi sa plano, 9 na palapag ang kanilang ipapatayo. 4 na palapag para sa
accommodation o hotel. 3 po para sa lobby at retail outlets o shopping centers.
2 po ay para sa pay parking.
Isipin na lang po natin kung
gaano kalalim ang kanilang huhukayin para po sa 4 na palapag na basement.
Karagdagan po nito ay ilang
puno ang puputulin upang malagyan po ng entrance para sa hotel area at para po
paglagyan ng sports facilities.
Ito po ang mga rason ko kung
bakit tahasan po ako sa aking paninindigan na tutulan ang nasabing development
ng athletic bowl.
Ito po ay hindi bunsod sa
pangpulitikang interes kung hindi ito po ay bunga ng aking pagmamahal at
pagmamalasakit sa aking bayan, ang Lungsod ng Pino, ang lungsod ng Baguio.
Ngunit bago ko po tapusin ang
aking talumpati ay hayaan nyong banggitin ko ang dasal na lagi pong sinasambit
ng aking idolo na si Sen. Chiz Escudero at ito po ay ang sumusunod:
“Lord, grant me the serenity to
accept the patience in things that I could not change. Grant me the courage to
change the things that I can and most importantly grant me the wisdom to know
the defense.”
Sa tuwing umaga akin pong
sinasambit ang munting dasal na ito. Sana ay bigyan ako ng Panginoon ng
kapayapaan sa aking pag-iisip na matanggap ang mga bagay na hindi ko kayang
baguhin sa mundong ito. Sana kasabay nito ay bigyan Niya ako ng tapang at lakas
na baguhin ang kaya at dapat kong baguhin sa buhay na ito at higit sa lahat
sana ay bigyan Niya ako ng sapat na pang-unawa na makita ang pagkakaiba sa
dalawang yan. Nawa’y sa bawat pagsubok na aking haharapin, magtagumpay man ako
o madapa, kailanman ay hindi ko iisipin na ito ay mga pawang walang dahilan at
walang kahihinatnan. At upang nang sa gayon ay mabigyan ako ng panibagong lakas
upang muling bumangon at harapin pa ang mga bagong pagsubok na ibabato sa akin
ng tadhana at panahon. Sana sa bawat hamon at pagsubok na inyo ring haharapin
sa paglisan sa bulwagang ito ay mabigyan kayo ng angkop at sapat na lakas para
maharap ang hamon at dagok ng buhay na maaring dumating sa atin. Nawa’y bigyan
din tayo ng talino at pagmamahal at kapit bisig nating harapin ang problema at
magiging problema pa na dulot ng panukalang pagpapapribitismo ng athletic bowl.
Sa muli po, ang pagbati ko po
inyong lahat. Maraming Salamat at Magandang Hapon po."